MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang dalawang lalaki na umano’y holdaper matapos na balewalain ang police checkpoint at makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Imus City, Cavite.
Batay sa ulat, bago naganap ang shootout dakong alas-4:00 ng madaling-araw sa Daang Hari Road, Pasong Buaya I ng lungsod ay naglatag dito ng checkpoint ang mga pulis bilang bahagi ng Oplan Sita kaugnay ng pagbibigay seguridad ng araw ng Undas.
Dito ay dumaan sa checkpoint ang dalawang lalaki na lulan ng kulay itim na Honda TMX na ‘for registration’ ang plaka.
Sa halip na huminto at sumailalim sa inspeksyon ay pinaputukan ng mga ito ang mga nakatalagang pulis at pinaharurot ang kanilang motorsiklo para tumakas.
Hinabol ng mga pulis ang mga suspek at gumanti ng putok at sa ilang minutong palitan ng putukan ay tinamaan ang dalawang suspek na namatay noon din.
Patuloy pang beneberipika ang mga pangalan ng mga suspek gayundin ang gamit nilang motorsiklo kung ito ay karnap.