Ginang na may utang itinumba sa sementeryo
MANILA, Philippines - “Yung silver kung kwintas nasaan na!, may utang ka pa sa akin”.
Ito ang isinigaw ng suspek sa isang 30-anyos na ginang na sinisingil nito at nang walang maibayad ay binaril habang nakaupo sa nitso ng tinatambayang sementeryo kamakalawa sa Pasay City.
Ang biktima na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ay kinilalang si Marnile Bodejas, ng Block 38, Lot 6, Mahogany St., Barangay Santo Niño ng naturang lungsod.
Ang suspek na pinaghahanap ng pulisya ay nakilala lamang sa alyas na Saya, walang tiyak na tirahan at dating ex-convict ng New Bilibid Prison (NBP).
Batay sa ulat, alas-4:27 ng hapon sa loob ng Sarhento Mariano Public Cemetery na matatagpuan sa kanto ng Aurora Boulevard at Sgt. Mariano St., ay nakaupo ang biktima sa isang nitso nang ito ay lapitan ng suspek.
Nang singilin sa utang nito na kuwintas na silver at pinagbentahan ng shabu ay walang maibayad ang biktima kung kaya’t binaril ito.
Isang babae na nakakita sa duguang biktima ang nagmalasakit na dalhin ito sa nasabing ospital, subalit namatay ito habang nilalapatan ng lunas.
Ayon sa pulisya na ang suspek bukod sa pagiging ex-convict sa kasong pagnanakaw ay isa ring drug addict at drug pusher.
- Latest