MANILA, Philippines - “Kung may maipapakita po si Vice President na katibayang ako’y naospital sa alinmang clinic o ospital sa buong Pilipinas, pwede ho akong pumayag na burahin ang lahat ng aking ginawang pahayag dito dahil ang ibig po nung sabihin ako ay sinungaling”.
Kaya naman ay hiniling nina United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco at Secretary-General Atty. JV Bautista sa Senate Blue Ribbon Committee na burahin sa rekord ang lahat ng testimonya ni dating Makita Vice Mayor Mercado dahil sa mayroon silang ebidensiya na nagpapatunay na naospital ito na taliwas sa nauna nitong pahayag.
Kahapon ay ipinakita ni Bautista ang ebidensiyang nagpapatunay na nagsisinungaling si Mercado sa pagdinig ng sub-committee ng Senado na ipakita nito ang mga medical record mula sa East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center na isang 61-anyos na may pasyenteng Ernesto Mercado na naging pasyente noong Oktubre 1, 2014 at October 4, 2014 dahil sa karamdaman sa puso.
Ayon sa UNA, nagsinungaling si Mercado nang sabihin niyang 359 ektarya ang farm sa Rosario, Batangas, pero 145 ektarya lang pala ito ayon sa Sunchamp Real Estate Development Corporation. Nagsinungaling din siya nang banggitin niya na air-conditioned ang babuyan.
Kaya umano pinalabas sina Tiangco at Bautista ni Senador Alan Peter Cayetano ay upang hindi makapasalita dahil sa lalabas ang katotohanan sa kaso ng kontrobersiyal na Building 2 ng Makati City Hall na ang katwiran ay hindi imbitado ang dalawang opisyal ng UNA.
“Ayaw nilang humarap kami sa komite at ilantad ang katotohanan hinggil sa pagkatao ng kanilang mga testigo. One-sided na ho talaga ang nangyayari sa sub-committee hearing,” sabi ni Bautista sa isang pulong-balitaan makaraang palabasin sila ng mga senador sa pinagdarausan ng pagdinig.
Ipinaliwanag ni Bautista na wala silang intensyong guluhin ang pagdinig at nais lang nila na ipahayag ang panig ni Binay.
Sa halip, iginiit ni Cayetano na hindi nila pinapayagan sa kanilang pagdinig ang mga gatecrasher at hiniling niya sa tagapangulo ng komite na si Sen. Koko Pimentel na palabasin sina Tiangco at Bautista.