MANILA, Philippines - Inindorso kahapon ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada bilang presidential bet si Vice President Jejomar Binay sa 2016 presidential elections matapos na itaas ang kamay nito.
Ayon sa tanggapan ng Bise Presidente, naganap ang pagtaas ni Erap sa kamay ni Binay na senyales na siya ang sinusuportahan nito sa nalalapit na presidential elections sa paglulunsad ng libro ni dating House Deputy Speaker Arnulfo Fuentebella na may pamagat na “Embracing Destiny” sa Tigaon, Camarines Sur.
Kaya’t malakas ang duda ng ilang kampo na tuloy na ang Binay-Erap tandem sa 2016 national elections.
Magugunita na noong ikalawang linggo ng Oktubre habang nasa Kidapawan City sa North Cotabato ang Bise Presidente, sinabi niya na hindi nito inaalis sa kanyang listahan at ikinokonsidera si dating Pangulong Estrada na running mate nito sa 2016 presidential elections.
Ang pagtaas ni Erap sa kamay ni Binay ay kasunod ng mga kontrobersya at isyu na ipinupukol kay Binay kaugnay sa umano’y overpriced na pagpapatayo ng Makati City Building 2 at ang umano’y tagong yaman nito na 350 hektaryang Hacienda Binay sa Rosario, Batangas.
Magugunita na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kampo nina Binay at Erap matapos na kumalas ang Bise Presidente sa partido o koalisyon ng huli at bumuo ng panibagong political party.
Magugunita noong Setyembre 25, kinumpirma ng kampo ni Binay na ang United Nationalist Alliance ay bumuo ng bagong political party para sa presidential bid ni VP Binay sa 2016.