MANILA, Philippines – Muling binuhay nina QC Vice Mayor Joy Belmonte at QC Police Chief P/Senior Superintendent Joel Pagdilao ang Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) sa 12 police stations bilang bahagi ng pinalakas na kampanya laban sa illegal na droga sa lungsod.
Kinilala ni VM Belmonte, chairperson ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCDAAC) ang muling pagbuhay sa task force sa isang simpleng seremonya sa QCPD Headquarters sa Camp Karingal.
Ayon kay P/SSupt. Pagdilao na ang reactivation ng SAID-SOTG na inalis ni dating QCPD director Richard Albano ay ginawa bilang tugon na rin sa mga ginawang konsultasyon na pinangasiwaan ng QCDAAC at mga opisyal ng mga barangay sa lungsod.
Isang orientation seminar na tinawag na “QCPD at Barangay Tulong-Tulong sa Pagpuksa ng Illegal na Droga!” ang isinagawa upang mabigyang kaalaman ang mga tauhan ng pulisya sa itinatakda ng batas para dito.