MANILA, Philippines – Iaakyat sa full alert status simula Oktubre 30 kaugnay ng Ligtas Undas 2014 ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na magtatagal hanggang Nobyembre 3.
Inilatag ni DILG Secretary Mar Roxas ang paghahanda ng pinagsanib na pwersa ng kagawaran at ng kapulisan kahapon ng umaga.
Aniya, may mahigit 41,000 pulis sa buong Pilipinas ang nakaalerto ngayong Undas sa mga dadagsaing lugar tulad ng sementeryo, lugar ng sambahan, bus terminals, seaports at airports, pasyalan, vital installations at iba pa.
Banggit pa nito, sa National Capital Region (NCR) pa lamang ay may 4,278 pulis na ang nakakalat, ilang libo lang ang layo sa 6,000 pulis na nakaalerto noong huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino.
Kaya’t kanselado ang leave ng mga pulis at extended ang duty nila. Umaasa ang kalihim na magiging 100% ang attendance ng mga pulis.
Humingi na rin ng tulong ang DILG sa force multipliers tulad ng civilian volunteer groups at barangay patrol.
Inaasahan naman ang pagdagsa sa Nobyembre 2 ng mga mag-uuwiang kababayan mula sa iba’t ibang probinsya.