MANILA, Philippines - Dalawang bilang ng kasong murder ang isinampa laban sa 7 pulis na may kaugnayan sa dalawang lalaki na umano ay kanilang sinalvage sa San Pablo City, Laguna, may dalawang linggo na ang nakakaraan.
Ang 7 pulis na kinasuhan sa San Pablo City Prosecutor Office ng 2 counts of murder ay kinilalang sina SPO1 Alexander Asis; PO2s Chris Vergara; Tito Danao Jr., Rolando Sumilang; Romano Caluyag; PO1s June Armanda Balahida at Jemarco Nollido.
Ayon kay P/Insp.Roselle Orate, chief ng Laguna Public Information Office na bukod sa 2 counts of murder ay nahaharap din ang mga ito sa kasong administratibo.
Sinabi ni Orate, na ang 7 pulis ay kasama sa 12 pulis kabilang ang chief of police ng Victoria police station na si Sr./Insp. Jerry Abalos at deputy nitong si Insp.Jesus Labrador ay sinibak sa kanilang puwesto kahapon dahil sa kasong pagpatay sa dalawang biktima na sina Raymond Reyes at Alfred Magdaong.
Ayon naman kay Sr/Supt. Florendo Saligao, Laguna police director na sina Abalos, Labrador kasama ang tatlo pang pulis na sina PO1 Serefin Inte Jr., PO3 Jerry Ohagan at PO2 Benedict Mercado ay nasa kustodiya ng Laguna provincial command at nasa floating status.
Isinampa ang nasabing kaso laban sa mga pulis batay sa nakuhang ebidensiya at testimonya ng mga saksi.
Ang katawan ng mga biktimang sina Reyes at Magdaong na mga ‘striker’ ng Victoria police station ay kapwa binaril sa ulo at natagpuang patay na nakaposas ang mga kamay sa Sitio Maabo.