MANILA, Philippines – Kamatayan ang naging kabayaran nang pagiging manunuba umano ng isang street sweeper sa Luneta Park nang ito ay saksakin ng tatlong beses ng isang parking attendant na inutangan nito ng kanin at ulam kamakalawa ng gabi sa Ermita, Maynila.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Lorna Faedacan, 53. Habang ang suspek na kusang loob na sumuko sa pulisya ay kinilalang si Eduardo delos Reyes Jr., alyas “Dayo” 40, tubong Western Samar.
Sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-8:30 ng gabi sa harapan ng Manila Hotel, Phase 2 ng Rizal Park, Ermita ay sinisingil umano ng suspek ang biktima sa inutang nitong ulam at kanin.
Subalit sa halip na makiusap na walang pambayad ay nagalit at pinagmumura nito ang suspek na humantong sa mainitang pagtatalo.
Nagdilim ang paningin ng suspek at kumuha ng patalim at pinagsasaksak ang biktima.