Tigil-pasada, kilos protesta ikinasa ngayon

MANILA, Philippines – Ikinasa ngayong araw ang malawakang kilos-protesta at tigil-pasada ng mga pampasaherong jeepney, tricycle, UV Express Service at taxi.

Ito ang inihayag ng PISTON (Pagkakaisa ng Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide),   bilang pagtutol sa Joint Administrative Order (JAO) ng Department of Transportation and Communications (DOTC), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na nagpapataw ng mas malaking multa sa mga kolorum na sasakyan.
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, magsasagawa ng tigil-pasada ang kanilang mga mi­yembro sa Cagayan de Oro, Iligan City, Bukidnon, Misamis Oriental at Surigao del Norte.
May mga kilos-protesta naman anya sa Metro Manila, Laguna, Albay, Ilo­ilo, Bacolod, Cebu, Northern Mindanao, General Santos City at Davao City. 
Sa Metro Manila, alas-5:00 pa lang ng madaling araw ay magsisimula na mga pagkilos sa Alabang, Monumento sa Caloocan, Roxas Boulevard sa Pasay, Novaliches at Cubao sa Quezon City. Lalahukan ito ng mga driver at operator ng mga jeep, tricycle, UV Express Service at taxi.
Tutulak pa ang mga ito sa tanggapan ng LTFRB at LTO sa East Avenue, Quezon City para ihirit na suspendihin at tuluyang ipawalang-bisa ang JAO na isa lang anilang money making scheme.

Matatandaang Hunyo nang ipatupad na nagtatakda ng multang aabot sa P1 milyon para sa mga bus.

Nagbabala naman ang LTFRB na mahaharap sa parusa ang mga lalahok sa tigil-pasada.

Maging ang MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) ay nanawagan sa PISTON na huwag mangharang at mambato ng mga tsuper na hindi sasali sa tigil-pasada na nais maghanap buhay.

Show comments