MANILA, Philippines - Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Port of Subic ang isang shipment ng smuggled premium beer na nagkakahalaga ng P2.77 milyon na ipinuslit mula sa Subic Bay Freeport.
Sinabi ni Lt. Paul Oandasan, hepe ng Customs Police-Port of Subic, pinigil ng mga operatiba ng Enforcement and Security Service ng Bureau of Customs na armado ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang isang Mitsubishi wing van na may plakang RLJ 925 makaraang lumabas ito sa sentry gate ng Subic Bay Freeport sa Barangay Kalaklan, Olongapo City. Nang siyasatin ay nakita sa loob ng van ang 1,200 kahon ng mga de latang serbesa na ipinuslit mula sa Poland.
Walang naipakitang dokumento o resibo ng pinagbayarang buwis para sa kargamento ang drayber ng trak na naka-consign sa Trilink Asia Pacific na matatagpuan sa Efficiency Avenue, Subic Bay Gateway Park sa loob ng Subic Bay Freeport.- Randy V. Datu-