MANILA, Philippines - “Wala sa dagdag na patrulya ang sagot sa problema ng carnapping sa Metro Manila kung hindi sa intelligence”.
Ito ang inihayag ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas at inatasan ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na bisitahin muli at repasuhin ang kanilang mandato.
Ang pahayag ay ginawa ni Roxas sa pulong ng national police directorate sa Camp Crame at dito ay sinabi pa na upang mas epektibong makatulong ang HPG sa kampanya ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) kontra sa kriminalidad sa Metro Manila ay dapat na tama ang kanilang aksiyon.
“Tignan ninyo ang IRF at GIS map para tama ang intervention, para maipaalam sa district directors,” pahayag ni Roxas na nagrekomendang balansehin ng HPG kundi man bawasan ang ginagawang pagpapatrulya.
Partikular na pinababantayan ng kalihim ang mga “chop-chop” shops upang mas mabilis na malansag ang mga tao, grupo o sindikatong responsable sa insidente ng carnapping at motornapping sa Metro Manila.
Ibinaba ni Roxas ang kautusan matapos na matukoy sa audit ng PNP na sa 79 na insidente ng carnapping na naitala mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 19, 40 kaso ay nangyari sa residential areas, 20 sa kalsada at 19 sa harap ng mga establisyimento.- Joy Cantos-