Motorsiklo VS. Van: 1 tigok 2 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang isang waiter at dalawa naman ang su­gatan nang makabundulan nito ang isang van habang tinatahak ang kahabaan ng Edsa sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.

Ayon sa report ng Quezon City Police Traffic Sector 6, nakilala ang nasawi na si Andrew Christopher Moreno 23, binata ng no. 68 Park Lane St., Brgy. Sangandaan, Project 8, sa lungsod, habang sugatan naman ang kasamahan nitong sina Mark Jason Diaz, 30; at Jason Sadiasa, 24, na agad na nilapatan ng lunas sa Quezon City General Hospital.

Nasa kustodiya naman ng PS6 ang driver ng Isuzu Elf van na si Amado Bangolan Jr., 50 ng Binangonan Rizal at isinasailalim sa imbestigasyon.

Naganap ang  insidente sa may Northbound lane ng Edsa, partikular sa harap ng North SM, Brgy. Pagasa, ganap na alas 4:30 ng madaling araw.

Ayon kay Sadiasa, sakay sila ni Moreno sa motorsiklo na minamaneho ni Diaz at binabaybay ang nasabing lugar nang pagsapit sa pakurbang bahagi ng Edsa ay nawalan umano sila ng kontrol hanggang madikit sila sa kasabay na Isuzu Elf Van na naging dahilan upang tumalsik ang  motorsiklo kasama sila.

Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.

Show comments