MANILA, Philippines - Natagpuang patay at nakasubsob sa pampang ng Marikina River ang dalawang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage sa Barangay Calumpang, Marikina City, kahapon ng umaga.
Inilarawan ang isa na nakasuot ng camouflage na pantalon at itim na t-shirt habang ang ikalawa naman ay nakasuot ng puting short.
Sa ulat ng Marikina City Police, dakong alas-6:30 ng umaga nang madiskubre ang mga bangkay sa pampang ng nasabing ilog, malapit sa isang mall sa Marcos Highway.
Nabatid na nangunguha ng mga panggatong ang hindi nagpakilalang residente nang mamataan ang bangkay ng mga biktima at kaagad itong ini-report sa pulisya.
Nakatali ang mga kamay ng mga biktima sa kanilang likod, parehong may mga nakatakip na panyo sa kanilang mga mukha, at nakasubsob sa putik.
Pinaniniwalaang pinahirapan muna bago pinatay ang mga biktima dahil sa mga pasa, sugat at tama ng bala ng mga bala ng kalibre .45 sa katawan.