MANILA, Philippines - Nagpadala ng sulat kahapon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa German Embassy at Bureau of Immigration upang ireklamo ang umano’y inasal ni Marc Sueselbeck, ang fiancé ng pinatay na Pinay transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Ayon sa AFP na ang naging aksyon ni Sueselbeck kamakalawa ng hapon ay nang akyatin nito ang perimeter fence ng Camp Aguinaldo na isang paglabag sa Presidential Decree No. 1227, o “Punishing Unlawful Entry into Any Military Base in the Philippines.”
Magugunita kamakalawa na inakyat ni Sueselbeck at ate ni Jennifer na si Marilou ang perimeter fence ng Camp Aguinaldo upang makapasok sa loob ng pasilidad ng Mutual Defense Board–Security Engagement Board (MDB-SEB) na isang restricted area na kung saan ay doon dinala si US Marines Private First Class Joseph Scott Pemberton mula sa US ship na nakadaong sa Olongapo City.
Si Pemberton ay kinasuhan ng murder dahil sa pagpatay kay Laude noong Oktubre 11 sa isang lodge sa Olongapo City.
Matapos na umakyat si Sueselbeck na nakunan pa ng news video footage na tinutulak ang isang sundalong nagbabantay na pumipigil sa kanya.
Samantala, sa isang panayam sa radio ay humingi ng paumanhin si Sueselbeck at hindi umano niya intensyon na bastusin ang mga otoridad dahil nais lang niya malaman maging ang pamilya ng kanyang fiancee na naroon si Pemberton.