MANILA, Philippines - Hindi na nakapalag ang isang mag-asawa at isa nilang kasama nang arestuhin sa isang checkpoint matapos makumpiskahan ng P7 milyon halaga ng shabu kamakalawa ng gabi sa Cotabato City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Tato Felmin, misis nitong si Alma at Fahad Guiapar; pawang residente ng lungsod.
Sa ulat ni Cotabato City Police Director P/Sr.Supt. Rolen Balquin, bandang alas-8:30 ng gabi nang maharang ng pinagsanib na elemento ng Cotabato City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ARMM ang isang Isuzu truck na sinasakyan ng mga suspek sa Brgy. Mother Tamontaka ng lungsod na ito.
Agad na nirekisa ang laman ng sasakyan at nakita rito ang mahigit isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa shipment ng methamphetamine hydrochloride na lulan ng mini cargo truck kaya’t inilatag ang checkpoint.
Nahaharap ngayon sa kasong drug trafficking ang mga suspek.