SLEX tragedy: Engineer 2 beses nasagasaan

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang nakamotorsiklong engineer matapos na dalawang beses masagasaan at takbuhan ng isang kotse at truck habang binabaybay ang  kahabaan ng South Luzon Expressway SLEX), Makati City kahapon ng madaling araw.

Ang nasawi ay kinilalang si Jun Yasul, 57, ng Cairo St., Purok 4, Multinational Village, Barangay Moonwalk, Parañaque City,  nagtamo ito ng  pinsala ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon, dakong alas-3:30 ng mada­ling-araw ay binabaybay ng biktima ang southbound lane ng SLEX, sakop ng Barangay Magallanes sakay ng kanyang motorsiklo nang masagi ito ng isang kotse na hindi naplakahan.

Tumilapon si Yasul na ilang metro at pagbagsak sa kalsada ay siya namang pagdating ng isang truck na hindi rin naplakahan at nasagasaan ito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang plaka ng kotse at truck na nakabangga at nakapatay sa biktima.

 

Show comments