Holdaper, todas sa baong granada

Ang umano’y holdaper nang masabugan ng kanyang dalang hand grenade na kanyang ginamit sa panghoholdap sa isang computer shop sa Dasmarinas, Cavite. (Kuha ni Cristina Timbang)

MANILA, Philippines - Halos magutay ang katawan ng umano’y kelot na holdaper ng  isang computer shop, nang sumabog ang dala nitong granada na siyang ginamit sa panghoholdap kamakalawa ng gabi sa tapat ng isang eskwelahan ng Brgy. San Mateo, San Francisco Dasmariñas City, Cavite.

Hanggang ngayon ay  kinikilala pa rin  ang suspek at tanging ang tattoo nitong “Sputnik”, “Nicolas” at “Bong Pandos” ang palatandaan dito. Tinatayang nasa edad na 30-35-anyos, may taas na 5’4 at nakasuot ng short na maong, jacket na blue, 2 tshirt at helmet.

Pito  katao naman ang sugatan matapos na tamaan ang mga ito ng grenade shrapnel ga­ling sa pagsabog habang dumadaan ang biktima sa nasabing lugar na nakila­lang sina alias Patrick, 17 ng Blk. 62 Lot 8 Brgy.Victoria Reyes; Marjo Flores, 18 anyos ng Blk. 53 Lot 34 Brgy. Victoria Reyes; alias Christian, 16 anyos ng Blk. D-1 Lot 6 Brgy. San Nicolas; Emilita Reyes, 48 ng Blk. D-1 Lot 6 Brgy. San Nicolas; Ryan San Pedro, 32 ng Blk. 59 Lot 4 Brgy. Sampalok II; Shiela Marie Geneita Dosal, 21 ng Blk. A-21 Lot 12 Brgy. San Mateo at Kevin Lucenio,  21 Ng Blk. 22 Lot 22 Brgy. Burol 3 pawang mga taga Dasmariñas City, Cavite.

Sa nakalap na report ng pulisya, alas-6:40 ng gabi sumabog ang granada habang sakay ang suspek ng kanyang motorsiklo at sa lakas ng pagsabog nito ay  halos maluray ang katawan nito.

Kinalaunan nadiskubre na ang  nasabugang lalaki, ay suspek pala sa naganap na panghoholdap sa nasabing computer shop kung saan positibo itong kinilala ng mismong biktima na  nakilala lang sa pangalang Ryan, 17,  tinangay pa umano nito ang cell phone at pouch na naglalaman ng  P6,500. (Cristina Go Timbang)

Show comments