MANILA, Philippines - Bumagsak sa Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang notoryus na lider ng Kidnap for Ransom (KFR) gang at dalawang iba pa sa isinagawang operasyon sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nadakip na suspect na sina Riccinte Padillo alias Teng, lider ng Padillo KFRG, live-in-partner nitong si Yasmin Cruz at body guard/driver na si Ivan Estrella.
Ang mga suspect ay nasakote sa Pinecrest 1, Newport Residential Resort, Pasay City bandang alas-9:23 ng gabi, sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Bernelito Fernandez ng Regional Trial Court (RTC) Branch 97, Quezon City sa kasong kidnapping for ransom.
Ang grupo ni Padillo ang responsable sa pagkidnap sa negosyanteng si Sally Chua noong Hulyo 5, 2013 sa Quezon City, kung saan itinago nila sa Davao City. Sina Cruz at Estrella ay mayroon ding warrant of arrest sa kasong large scale estafa na ipinalabas ni Judge Corpuz Alzarte ng Regional Trial Court Branch sa Banqued, Abra.
Isinailalim na sa kustodya ng PNP-AKG sa Camp Crame ang mga nasakoteng suspect. (Joy Cantos)