2 Bagets itinumba

MANILA, Philippines - Dalawang 17-anyos na binata ang binaril at napatay sa magkahiwalay na pangyayari sa Caloocan City at Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Nicole Jan Macaranan, 4th year high school student ng  Caloocan High School at residente ng # 14 Victory St., Vista Verde Executive Subdivision North, Brgy. 166, Caloocan City.

Sa salaysay ng driver ng jeep na si Rodrigo Penollar, dakong alas-4:30 ng madaling-araw ay kapwa sakay ang biktima at hindi pa kilalang suspek sa kanyang jeep nang walang sabi-sabing barilin sa ulo ang biktima pagtapat sa nasabing subdivision. Agad bumaba ang suspek at tumakas.

Ganito rin ang nangyari sa  17-anyos na si Ronel Abude, Mars St., Brgy. Tandang Sora, Quezon City nang barilin sa  mukha ng hindi nakikilalang suspek kahapon ng alas-3:30 ng madaling-araw sa isang eskinita malapit sa bahay nito.

Ayon sa pulisya na walang nakakita sa pamamaril kaya’t hirap silang tukuyin ang suspek.

Sa salaysay ng isang Myrna Pascua nasa loob siya ng kanyang tindahan nang marinig ang isang putok ng baril kaya’t pinuntahan niya ang pinanggalingan at pagsapit sa lugar ay tumambad ang bangkay ng biktima na naliligo sa sarili nitong dugo matapos magtamo ng isang tama ng kalibre 45 sa mukha.

 

Show comments