MANILA, Philippines – Humiling si ABAKADA partylist Rep. Jonathan Dela Cruz ng isang agarang imbestigasyon ng Kongreso tungkol sa tunay na kahandaan ng gobyerno laban sa posibleng pagtama ng Ebola sa bansa.
Mismong si Department of Health (DOH) Assistant Secretary Enrique Tayag ay pinuna ni Dela Cruz sa sinabi nitong babala na “it is just a matter of time” bago iulat ng bansa ang kauna-unahang kaso ng Ebola.
Maging ang pahayag ng tagapagsalita ng DOH na si Dr. Lyndon Lee Suy na may paghahanda na ang pamahalaan para matugunan agad ang anumang magiging pagtama sa bansa ay minaliit ni Dela Cruz dahil sa marami pang iniwan na katanungan kesa kasagutan ang naging pahayag.
Inihayag ni Dr. Suy, may mga ospital nang natukoy na siyang hahawak ng anumang kaso ng pinaghihinalaang Ebola, ngunit ni isa ay walang pinangalanan na ospital at kung saan matatagpuan ang mga ito.
Anya, hangga’t hindi partikular na pinapangalanan ng DOH ang mga ospital, laboratoryo at mga tauhang sinasabi nilang tutugon sa anumang kaso ng Ebola ay walang kasiguruhan ang sambayanan na totoo ang mga ito at talagang handa ang gobyerno laban sa naturang sakit.
Kailangan ding matiyak ng sambayanan na mayroong sapat na kagamitan at mga pasilidad ang mga ospital ng pamahalaan kung may sapat na pondo at kung gaano kabihasa o katindi ang naging pagsasanay ng mga tauhan ng DOH na hahawak sa Ebola.