MANILA, Philippines – Nasa pangangalaga na ng United States authorities at nakadetine na sa barkong USS Peleliu ang isang US Marine na umano’y pumatay sa isang transgender noong Sabado ng hatinggabi matapos na siya ay mapeke sa pag-aakalang ito ay tunay na babae.
Hindi pa isiniwalat ang buong pangalan ng suspek na nakatalaga sa 2ndBatallion, 9th Marines, na nasa bansa para sa ginaganap na PHIBLEX joint military exercises ng Philippine Navy at counterpart nito sa mga sundalong Amerikano.
Batay sa ulat, noong Linggo nang matagpuan ang bangkay ni Jeffrey Laude, alyas “Jennifer”, 26, isang bakla at nakatira sa 5th-Draper St., West Tapinac, Olongapo City, sa loob ng isang kuwarto sa Celzone Lodge, Magsaysay drive sa Olongapo City.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong ika-10:55 ng gabi noong Sabado nang mag-check-in ang biktima kasama ang suspek.
Ilang minuto ang nakalipas bandang alas-11:30 ng gabi nang makitang lumabas ang suspek at alas-11:45 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima.
Inilarawan ng staff ng motel na si Elias Gallamos ang kasamang dayuhan ng biktima na ang buhok ay naka-Marine hair cut-type, nakasuot ng kulay puti at asul na t-shirt, naka-short at tinatayang nasa edad na 22 hanggang 25 at may taas na 5’8”- 5’10”.
Sinang-ayunan naman ng kaibigan ng biktima na si Mark Clarence Gelviro, 22, alyas Barbie ang paglalarawan ni Gallamos sa suspek na nakilala nilang magkaibigan sa Ambyanz Disco Bar na matatagpuan sa Magsaysay Drive East Tapinac dito kung saan ay nagkasundo ang dalawa na mag-checkin sa hotel para mag-sex.
Samantala, hiniling naman ni Gabriela partylist Rep. Emmi De Jesus sa gobyerno na agad kumilos upang mapanagot ang Amerikanong sundalo na umanoy pumatay sa kay Laude upang hindi ito makalabas ng bansa at ipalitis sa korte.
Umaasa rin si De Jesus, na hindi mauuwi sa wala ang kaso dahil na naman sa probisyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) na nagsasabing ang sundalong Kano na makakalabag ng batas ng Pilipinas ay haharap lamang sa pananagutan sa batas ng Amerika.