MANILA, Philippines – Naispatan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang lava flow sa Bulkang Mayon kahapon ng alas-7:00 ng umaga.
Ito ang kinumpirma ni Phivolcs resident volcalogist Ed Lagueta matapos makakita ng dumadausdus na materyal sa dalisdis ng bulkan mula sa tuktok nito matapos magsagawa ng visual at aerial observations sa paligid at bunganga ng bulkan.
Ayon naman kay Phivolcs Director Renato Solidum, sinabi nitong namataan ang “parang umuusok at mapulang bato” o maikling lava flow sa eastern side ng Bonga Gully.
Umaabot aniya ito sa 350 metro mula sa summit sa isinagawang kalkulasyon, “very slow” ang pagkilos ng lava sa ngayon.
Pahiwatig ito ng “renewed activity” sa pinakatuktok ng Mayon kung saan umabot na ang panibagong batch ng magma.
Dagdag ni Laguerta, nasa “quiet eruption” ang Mayon ngayon.
‘Soft eruption’ naman ang naging pagtaya ni Albay Governor Joey Salceda matapos mag-aerial validation sa bulkan.
Paliwanag ni Solidum: “eruption naman na ang paglabas ng lava pero hindi iyan ‘yung explosive.”
Hindi anila ginagamit ang ‘soft eruption’ na termino. Ang nangyari anya ay maituturing na “non-explosive (eruption) meaning there is only the quiet effusion o extrusion of lava from the summit.”
Isa ang lava flow sa ‘parameters’ na tinututukan ng Phivolcs, bukod sa crater glow, na mga tandang papunta na sa pagputok ang bulkan.
Ngunit pagtiyak ni Solidum, wala pang rason para itaas sa alert level 4 ang Mayon pero posibleng mangyari ito sa mga susunod na araw o linggo.
Sa ilalim ng alert level 3, posible pa rin ang mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang linggo dahil nasa bunganga na ang magma nito.
Sa rekord ng Mayon, kaunti lamang ang pagkakataon na nagkaroon ng lava flow ang Mayon na sinundan ng minor explosion.
Ayon kay Gov. Salceda, 80% ang probability ng pagkakaroon ng hazardous eruption partikular ng isang “volcanian eruption” kung saan inaasahan ang pagbuga ng malalaking nagbabagang bato, ashfall at pyroclastic materials ng bulkan.
Pag-aaralan pa ng otoridad sa mga susunod na araw ang mga datos kung itataas sa alert level 4 ang bulkan.