MANILA, Philippines - Ang sobrang takot umano ng isang 31-anyos na misis sa nakamamatay na dengue, ang dahilan nang pagbibigti nito sa puno ng kawayan kamakalawa sa Brgy. Balintawak, Escalante City, Negros Occidental.
Natagpuang lawit ang dila at nangingitim na ang mukha ng biktima na si si Louena Panagini, residente sa nasabing lugar nang ito ay madiskubre.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:00 ng umaga nang madiskubre ang nakabigting bangkay ng biktima na nakatali ng sweatshirt sa leeg sa puno ng kawayan.
Sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Bebeth Mahusay, na bago ang insidente ay sinabi sa kanya ng biktima na natatakot siya dahilan naghihinala na mayroong siyang sakit na dengue matapos ang ilang araw na lagnat at pamamantal ng katawan.
Nang magpa-checkup ang ginang sa doktor ay lumabas ang resulta na may allergy ito na hindi nito pinaniwalaan at iginiit na dengue ang kaniyang sakit at nagkulong na ito sa kaniyang silid.
Narekober ng mga otoridad ang isang suicide note na nagsasaad ng pamamaalam at pagsasabing winakasan niya ang kaniyang buhay dahilan baka mahawa pa ang kaniyang pamilya sa dengue.