MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang wala pang go-signal ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang itaas ang pamasahe sa MRT at LRT, ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Sinabi ni Usec. Valte, walang pormal na rekomendasyon pa ang DOTC para sa fare hike ng MRT at LRT.
“Wala pang final answer si Pangulong Aquino tungkol diyan,” paliwanag pa ni Usec. Valte sa media briefing kaugnay sa ulat na pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT.
Magugunita na mismong si Pangulong Aquino ang nagpahayag na nais nitong bawasan ang ibinibigay na subsidy ng gobyerno sa LRT kung saan ay pinapasan ng pamahalaan ang ilang bahagi ng pamasahe nito.
Katwiran ni PNoy, ang buwis na mula sa mamamayan ang ginagamit sa pag-subsidized sa pasahe sa LRT na sa kanyang pananaw ay hindi makatwiran dahil ang nagbabayad ng buwis mula sa Visayas at Mindanao ay hindi naman sumasakay o gumagamit ng LRT.
Ang plano ng DOTC ay itaas sa P28 ang pasahe sa MRT 3 mula sa P15 habang P30 naman sa LRT 1 mula sa P20 at gagawing P25 naman mula sa P15 sa LRT 2.