MANILA, Philippines - Isang 40-anyos na ginang na miyembro ng Salisi gang ang natiklo ng otoridad nang makita siya sa cctv camera na kasama sa apat na suspek na kumuha ng bag ng isang estudyanteng Korean national sa Quezon City.
Ang suspek na nakakulong ay kinilalang si Erlinda Lambarijan, residente sa Sampaloc Manila, habang pinaghahanap pa ang tatlo nitong kasamahan.
Ayon sa reklamo ng biktimang si Lee Eunbi, 21, dalaga, estudyante at nanunuluyan sa Victoneta Potrero Malabon City sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas 8:30 ng gabi sa 2nd floor ng isang mall sa North Avenue, Edsa, partikular sa labas ng Dairy Queen ice cream house.
Sinasabing nakaupo ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan ng mapunang wala na sa kanyang tabi ang itim na bag at napansin din nito ang apat na suspek na mabilis na nag-alisan ng hinahanap na ang bag kaya naman mabilis nitong sinundan ang mga suspek at kinompronta. Sinubukang awatin ng guwardiyang si Elmer Ramirez ang biktima at suspek at inaresto ang huli.
Nang siyasatin ang cctv ng mall ay nakita si Lambarijan na siyang kumuha sa bag ng biktima at ipinasa sa mga kasamahan nitong nagsitakas.
Ang bag ng biktima ay naglalaman ng isang Samsung Galaxy note (P45,000) wallet na may lamang cash na P5,000; at mga importanteng mga gamit pambabae.