MANILA, Philippines – Isang turistang Hapones ang nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital matapos na aksidenteng mabaril ang sarili habang nagsasanay bumaril sa loob ng isang firing range sa Ermita, Maynila kamakalawa.
Ang nasawi ay kinilalang si Sugaya Shijuo, 70-anyos, pansamantalang nanunuluyan sa Executive Plaza Hotel, Mabini St., Ermita, Maynila.
Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-2:30 ng hapon sa Manila Shooters Firing Range na pag-aari ni C/Insp. Jonathan Dela Cruz, 51 na matatagpuan sa Alhambra St., Ermita, Maynila ay dumating sa bansa ang biktima noong Oktubre 6.
Ang biktima ay sinamahan ni Jaime Buan, 50-anyos, tourist guide-free lancer, residente ng Ignacio St., Pasay City sa nasabing firing range para mag-ensayo sa paghawak ng baril.
Isa sa tauhan sa firing range ang nagturo sa biktima na humawak ng baril hanggang sa ito ay pahawakin ng kalibre 45 baril.
Nakatatlong putok ang biktima sa target paper at nang inakalang wala na umano itong bala ay itinutok ang baril sa baba nang bigla itong pumutok.
Nakatakdang imbestigahan sina C/Insp. Dela Cruz, Buan at ang secretary ng firing range na si Carla Trinanes, 30, dalaga at aalamin kung may foul play.