MANILA, Philippines – Nalambat na ng pulisya matapos ang mahigit 19 araw ang pangunahing suspek sa pagpatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache kamakalawa ng gabi sa Brgy. Malusak, Sta Rosa City, Laguna.
Ang suspek na si Michael “Icoy” Flores, 29-anyos, ay namataan habang naninigarilyo sa labas ng Garden Villa 3 Subdivision sa nasabing lugar.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na sa nasabing lugar nagtatago ang suspek nang dakpin ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) Sta. Rosa, Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) at National Bureau of Investigation (NBI).
Si Flores umano ang nagmamay-ari ng duguang damit at shorts na nakita sa loob ng tirahan ng 75-anyos na si Zenaida Sison sa Quezon City kung saan ito pinagsasaksak noong Setyembre 19 habang nasa kasagsagan ng hagupit ng bagyong Mario na nagpalubog sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Si Flores ay tagalinis sa tahanan ng biktimang si Sison.
Matatandaang tinangay nito ang pera at alahas ng biktima na tinatayang nagkakahalaga ng P500,000.