MANILA, Philippines – Matapos umanong mapatunayan sa mga dokumentong isinumite nina Makati Mayor Junjun Binay at mga konsehal na may naganap na sabwatan sa umano’y overpriced na Makati Parking Building II na naglaan ng P2.7-bilyong pondo sa pagpapatayo nito kaya’t hiniling ng mga residente ng Makati sa Office of the Ombudsman na tanggalin ang mga ito sa puwesto.
Batay sa 15-pahinang consolidated reply na isinumite kahapon sa Ombudsman ay hiniling din nina lead convenors ng United Makati Against Corruption (UMAC) Atty. Renato Bondal at Nicolas “Ching” Enciso VI na isama ang mga opisyales ng Hillmarc’s Construction Corporation sa kasong plunder na nakasampa laban kay Mayor Binay at sa ama nitong si Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Bondal, napatunayan sa mga dokumentong hawak ngayon ng Ombudsman ang sabwatan ng mag-amang Binay, mga konsehal, Hillmarc’s, at opisyal ng Commission on Audit (COA) para patungan ang presyo ng konstruksyon ng Makati Parking Building.
Ayon kay Bondal ang mga dokumento ay ibinigay mismo ng mga akusado sa Ombudsman bilang pagtalima sa utos ng nasabing ahensya.
Kaya’t anya ay pinatunayan lamang na ang akusasyon ay may sapat na ebidensya para suspendihin ang akusado sa salang paglabag sa plunder law, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Gross Abuse of Authority at Gross Neglect of Duty.