2 turistang Swiss tinodas

MANILA, Philippines – Dalawang turistang Swiss national ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong armadong kalalakihan sa isang beach resort sa bayan ng Opol, Misamis Oriental kamakalawa.

Ang mga nasawi ay kinilalang  sina Robert ­Erich Loever, 67; at Baltazar Johann Ernie, 78; pawang nanunuluyan sa Xavier Estates, Brgy. Balulang sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Sa ulat ni Sr. Inspector Alwin Baclao, hepe ng Opol Municipal Police Station (MPS),  dakong ala-1:00 ng hapon nang  maganap ang insidente sa entrance gate ng D. Yasay Beach Resort.

Nabatid na nagla­lakad ang dalawang banyaga sa nasabing lugar kasama ang kanilang mga nobya, isa rito ay ang buntis na kasintahan ni Loever nang biglang sumulpot at hara­ngin ng tatlong  salarin.

Agad pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima na kapwa duguang bumulagta at binawian ng buhay noon din.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Patuloy ang imbes­tigasyon sa motibo ng pamamaslang sa dalawang banyaga at  ipinatawag na rin sa himpilan ang  mga kasintahan nito upang makatulong sa pagsisiyasat sa kaso.

Show comments