MANILA, Philippines – Hiniling ng Bantay Kaban ng Bayan (BKB) na ilantad ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan kung saan napunta ang inutang na P1.7 bilyon sa isang bangko ng gobyerno noong 2011 matapos mabunyag ng Commission on Audit na may 15 school building ang hindi naipagawa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gob. Willy Alvarado gayong kabilang ang mga ito sa pagawain na pagkakagastusan ng nasabing inutang.
Ayon sa COA, ang pagpapatayo ng 15 school building ay nakatakda sa Annual Procurement Plan ( APP) na pinondohan ng P62.1 milyon.
Pinuna ng BKB na hanggang ngayon, walang anumang malinaw na ulat ang Kapitolyo kung saan na napunta ang nasabing inutang na P1.7 bilyon.
Una nang hiniling ni 2nd District Board Member Ramon Posadas ang ulat kung saan ginugol ang inutang o kung anong proyekto o programa ang pinagkagastusan mula dito.
Sa 2013 COA Audit Report, natuklasan na hindi malinaw ang kasunduan ng bangko ng gobyerno at Pamahalaang Panlalawigan, lalo na ang kapasidad ng huli na umutang ng napakalaking halaga.
Pinasusumite din ng COA sa Pamahalaang Panlalawigan ang lahat ng dokumento na may kinalaman sa P1.7 B loan upang mabigyan ng linaw ang mga ito.
Samantala, nakatakdang muling umutang ang Pamahalaang Panlalawigan ng P150 milyon sa isa pang bangko ng gobyerno upang gugulin umano ang mga proyektong pang-imprastraktura gaya ng school building.