MANILA, Philippines - Isang babaeng turistang Ruso ang napigtasan ng tenga matapos na pitasin ang hikaw nito ng isang snatcher habang naglalakad kahapon sa Ermita, Maynila.
Kinilala ang biktimang si Olga Nikitina, 46-anyos, pansamantalang nanunuluyan sa Jade Hotel & Suite sa no.1120 Don Chino Roces St., Makati City.
Agad namang nadakip ang suspek na si Jerry Gastrado, alyas “Boy Palaka”, 31-anyos, miyembro ng Sigue Sigue Sputnik gang, tubong Iloilo at residente ng Barangay Sapa 2, Cavite City.
Batay sa ulat, dakong 12:15 ng hapon ay naglalakad ang biktima kasama ang mister na si Alexander sa Plaza Lawton, Ermita nang hablutin ng suspek ang magkabilang hikaw sa tenga ng biktima na naging dahilan para mapilas ang tenga nito.
Namataan ng mga nagpapatrulyang pulis na sina Insp. Del Rosario, at PO3 Edgar Morada kaya’t hinabol ang suspek hanggang sa makorner ito habang hawak pa ang pares ng hikaw.
Nabatid din na ang suspek ay may isang linggo pa lamang nakalalaya sa kaparehong kaso. - Ludy Bermudo-