MANILA, Philippines - Muling nanawagan ang mga beterano at kanilang mga kamag-anak kay Department of National Defense (DND) Secretary Voltaire T. Gazmin sa mabilisang implementasyon ng bagong constitution and by-laws (CBL) ng Veterans Federation of the Philippines (VFP).
Naunang sumulat si Defenders of Bataan and Corregidor, Inc. (DBC) National Commander Rafael Evangelista kay Sec. Gazmin upang ipanukala ang pagtatatag ng Management Committee para mabilis na ipatupad ang bagong CBL ng VFP na magsasaayos sa sistema at magrereporma sa pamunuan nito.
Hiniling din ni Evangelista ang pagtatalaga ng Acting President ng VFP na magpapatupad ng bagong CBL dahil nagbabantay ngayon ang mga beterano at kanilang mga pamilya sa “political will” ni Sec. Gazmin upang magkaroon ng pagbabago sa pederasyong itinatag sa bisa ng Republic Act No. 2640 na nasa kontrol at superbisyon ng kalihim ng DND.
Ayon naman sa anak ng beteranong si Severino L. Borlongan na si Irma B. Tamayo, panahon na para magkaroon ng reporma sa VFP sa pamamagitan ng bagong CBL para maingat ang interes ng lahat ng beterano gayundin ang kanilang mga pamilya at hindi ang interes lamang ng iilan.
Hiniling din ni Tamayo ang mabilisang implementasyon sa bagong CBL na pakikinabangan ng lahat ng beterano sa buong bansa at hindi ng iilan na mahigit 30 taon na ginawang “kaharian” ang VFP kaya tutol sa reporma ni Sec. Gazmin na magpapairal ng transparency, accountability at iaangat ang prinsipyo ng check and balance sa pederasyon.