MANILA, Philippines - Brutal na pinaslang ang isang 65-anyos na lolo sa harapan ng kanyang misis sa malagim na krimen sa bayan ng Ragay, Camarines Sur kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya ang biktimang si Rudy Gacosta, residente ng Zone 4, Brgy. San Rafael, Ragay ng lalawigang ito ay namamahinga kasama ang misis nito dakong alas-9:30 ng gabi sa nasabing bahay ng mga ito.
Bigla na lang umanong pumasok ang mga suspek na armado ng 12 gauge shotgun at cal.38 at mabilis na pinagbabaril ang biktima. Hindi pa nakuntento matapos na duguang bumagsak ang biktima ay kinuha pa ng mga suspek ang bagong hasang itak ng matanda at tinadtad ito ng taga sa katawan kabilang sa leeg na siya nitong ikinasawi.
Ang mga suspek ay mabilis na tumakas matapos ang insidente patungo sa hindi pa malamang destinasyon.