May ‘tongpats’ sa Makati building at ospital - COA

Ipinapakita ni Atty. Renato Bondal sa isinagawang pagdinig sa Senado ang mga dokumentong may  kaugnayan  sa  umano’y  “overpricing”  ng  Makati City building. (Kuha ni MANNY MARCELO)  

MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Commission on Audit (COA) na may naganap na irregularidad sa ginawang pagtatayo ng Makati City Hall II nina Vice President Jejomar Binay at anak nitong si Makati Mayor Junjun Binay.

Ito ang  inamin ni COA investigator Alexander Juliano, pinuno ng COA Fraud Audit Office (FAO) na naatasan ng ahensya na mag-imbestiga sa napa­balitang mga anomalya sa konstruksyon ng P2.7-bilyong Makati Parking Building.

Anya, walang construction plan ang gusali nang i-turnover ito sa Hilmarc’s Construction Corporation ang  kakontratang kumpanya ng Makati City Hall na gagawa sa gusali, isang buwan  matapos ipasa ang ordinansa para rito.

Sinabi ni Juliano na hindi tumupad sa mga patakaran at panuntunan ang lokal na pamahalaan ng Makati sa pagpapatayo sa gusali kayat nagkaroon ng iregularidad dito.

Magugunitang noong Agosto, sinabi ni COA Commissioner Grace Pulido-Tan  na walang naipalalabas na clearance ang ahensiya para sa pagpapatayo sa naturang  gusali.
Unang napaulat na umaabot sa P2.5 bil­yon ang halaga ng naturang gusali na lu­malabas umanong overprice  ng P1.314 bilyon.

Maliban dito, ibinunyag din ng COA na nagkaroon din ng ‘tongpats’ na mahigit P61 milyon sa pagbili ng mga hospital equipment sa Ospital ng Makati sa panahon naman ng misis ni VP Binay na si Dr. Elenita Binay.
Sa report ng COA na isinu­mite sa Senate Blue Ribbon Committee, ibinunyag ng komisyon na kuwestiyonable ang pag­lalaan ng Makati City government ng P793 milyon para sa Phase 4 at Phase 5 ng nasabing gusali dahil tapos na ang proyekto sa Phase 3 pa lamang.

Napilitan naman ang COA na isapubliko ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa Makati Parking Building matapos sabihin ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee na karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan.
Ayon kay Juliano, nagtataka umano ang COA kung bakit tatlo lamang ang sumaling bidder sa Makati Parking Buil­ding gayung napakalaki ng halagang inilaan sa nasabing proyekto at kaduda-duda ang sobrang dikit na presyo na inihain ng Hilmarc’s kumpara sa presyong itinakda ng City Hall para sa Parking Building.

Ayon naman kay COA Commissioner Heidi Mendoza, may sabit din si Dr. Elenita Binay sa kaso ng tongpats na nakumpirma ng COA sa imbestigasyon nito sa pagbili ng mga hospital equipment para sa Ospital ng Makati.

 

Show comments