MANILA, Philippines – Nasagip ng mga otoridad ang walong kabataang babae at lalaki mula sa isang grupo na sangkot umano sa pagbebenta ng laman sa mga dayuhan sa Caloocan City kamakalawa.
Naaresto ang itinuturong lider na si Joseph Malazarte, alyas “Jumong”, 48-anyos, founder ng grupong Seventeenth Seals, at residente ng Phase 6, Camarin ng naturang lungsod.
Nasa pangangalaga ng lokal na Social Welfare and Development ang mga nasagip na kabataan may edad mula 12 hanggang 14-anyos.
Batay sa ulat, unang nagreklamo sa pulisya ang ina ng isa sa mga biktima nang matagal na hindi umuwi ang anak na babae.
Nalaman nito na sa bahay ni Malazarte na ginagawang kuta ng kanilang grupo ang kanyang anak at may ulat na ibinubugaw pa umano sa mga banyaga.
Kaya’t sinalakay kamakalawa ng alas-3:00 ng hapon ng mga tauhan ng Caloocan Police ang bahay ni Malazarte na nagresulta sa pagkakasagip sa mga kabataan.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act ang suspek.