MANILA, Philippines – Mga AWOL (Absence Without Official Leave) na ang walong pulis ng Manila Police District na sangkot sa pangongotong sa isang Pakistani national noong Setyembre 19.
Ito inihayag ni Chief Insp. Artemio Riparip, hepe ng MPD-General Assignment Section matapos na mabigo pa rin ang mga pulis na lumutang sa kabila ng ultimatum na inilabas ni MPD Director, Chief Supt. Rolando Asuncion.
Ang mga suspek na pulis ay kinilalang sina P/Sr. Insp. Rommel Geneblazo, hepe ng Anti-Carnapping and Hijacking Unit; mga tauhan na sina SPO1’s Michael Dingding, Gerry Rivera, Jay-An Pertubos, Jonathan Moreno, PO2s Renato Ochinang; Marvin dela Cruz at isang pang pulis na inaalam pa ang pangalan.
Anya, ang hindi pagsuko ng mga pulis ay maituturing umanong indikasyon ng kanilang pagiging ‘guilty’ sa kasong robbery extortion at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang kaso laban sa mga pulis ay nag-ugat sa reklamo ng negosyanteng si Kamran Khan Dawood, 39, ng Annapolis St. San Juan City, matapos pagbintangan ng mga pulis na sangkot sa carnapping at hiningan ng halagang P100,000 kapalit ng pagpapalaya.
Hindi tumupad ang mga pulis kung kaya’t nagreklamo ang biktima.