MANILA, Philippines - Isang pulis at lider ng gun-for-hire gang na sisilbihan sana ng arrest warrant ang nasawi sa naganap na engkwentro sa Brgy. Tanza, Navotas City kahapon ng madaling-araw.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan si SPO4 Hector Laceda, 53, hepe ng isang unit sa Criminal Investigation and Detection Group, National Capital Region (CIDG-NCR) dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Namatay naman noon din ang suspek na si Raymond Cortes-Mangali “alias Emon”, nasa hustong gulang at residente ng Chungkang at Sampaguita Sts., Barangay Tanza ng naturang lungsod at lider ng Mangali gun-for-hire group.
Si Mangali ay no. 3 wanted person sa Camanava area at number 2 naman ito sa Malabon at Navotas City dahil sa kinasasangkutan nito na namumuno sa 50 insidente ng pagpatay kabilang sa biktima ay mga pulis at abogado.
Nasugatan naman ang kasama ni Laceda na si SPO1 Juan Fernando.
Batay sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling-araw ay isisilbi ng mga pulis ang arrest warrant kay Mangali at papalapit pa lamang nang pagbabarilin nito ang mga pulis.
Gumanti ng putok ang mga pulis kay Mangali na napuruhan na agad nitong ikinamatay.
Nakuha sa loob ng bahay ng suspek ang iba’t ibang klase ng mataas na kalibre ng baril at mga bala nito na siya umanong ginagamit kapag may itutumba itong tao.- Lordeth Bonilla, Joy Cantos-