MANILA, Philippines - Patuloy na lumulobo ang bilang ng mga sympathizers ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) mula sa hanay ng mga ekstremistang mga rebeldeng Muslim sa rehiyon ng Mindanao.
Ito ang kinumpirma kahapon ng isang military intelligence officer na tumangging magpabanggit ng pangalan matapos na kumpirmahin ni US Forces Commander in Asia Pacific Admiral Samuel Locklear na umaabot na sa 1,000 mga dayuhang mandirigma mula sa Asia Pacific Region ang umanib na sa jihadist na ISIS.
Patuloy na mino-monitor ang sinasabing recruitment ng ISIS sa ilang lugar sa Mindanao kabilang sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi (BASULTA) area, gayundin sa Davao at maging sa Central Mindanao.
Ang BASULTA area ay pinamumugaran ng Abu Sayyaf Group habang sa Central Mindanao naman na umaabot hanggang Davao Region ang operasyon ay ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang grupong tumiwalag sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang mga ekstremistang rebeldeng Muslim sa bansa ay may dati ng ugnayan sa Al Qaeda o Jemaah Islamiyah (JI) terrorist at malamang ay nakikisawsaw lang sa away doon (Syria, Iraq)”, paliwanag pa nito.
Samantalang malaki rin ang posibilidad na may mga Pinoy na na-recruit ang ISIS sa bansa na nagsanay sa Iraq at Syria na sinasabing nagbalik na sa bansa.