MANILA, Philippines - Hindi sinanto ng mga kilabot na karnaper ang isang reporter ng TV5 matapos na tangayin ang kotse nito kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 10, ang biktima ay kinilalang si Jeff Caparas, reporter ng TV5 at residente sa Quezon City.
Nadiskubre ni Caparas na nawawala na ang kanyang Honda Civic ESI (TNT-673) dakong alas-5:30 ng umaga kung saan ipinarada niya ito sa panulukan ng Timog Avenue at Jamboree St.
Ayon kay Caparas, alas-10 ng Huwebes ng gabi nang kampante niyang iparada ang naturang sasakyan sa nasabing lugar na madalas na niyang ginagawa, ilang metro lamang ang layo sa tinutuluyang condominium.
Subalit nang balikan ni Caparas ang sasakyan ay tanging bubog na lamang ang kanyang nadatnan at nawawala na ang mismong kotse nito kaya agad niya itong ipina-blotter.
Samantala, ilang minuto pa lamang ang nakakalipas matapos magpa-blotter ay nakatanggap na ng tawag ang istasyon ng pulisya na posibleng ang kotseng natagpuan sa may bahagi ng Brgy. Sacred Heart, partikular sa Scout Rallos at Scout Ybardoloza ay pag-aari ng biktima na nang makita nito ay nakumpirma naman.
Dagdag ni Caparas, umaabot sa P200,000 ang halaga ng mga accessories na nakakabit sa kanyang kotse, tulad ng stereo, at speaker, bukod pa ang wiper at side mirror.
Posible aniyang naalarma ang mga carnapper nang malamang pag-aari ng media ang sasakyan kung kaya hindi na nagawang katayin ang buong piyesa nito. Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.