MANILA, Philippines - Hiniling ni Senador Antonio Trillanes IV kay Pangulong Benigno Aquino III na kaagad lagdaan ang panukalang batas na magdadagdag sa burial assistance ng mga beterano mula P10,000 sa P20,000 matapos pumasa sa ikatlong pagdinig ng Senado.
Ayon kay Trillanes, chairman ng Senate committee on national defense and security, inendorso niya ang House Bill 694 sa ilalim ng Committee Report 57 bilang pagkilala sa makabayang paglilingkod ng mga beterano sa mga panahon ng digmaan at kapayapaan.
Naunang ipinasa sa ikatlong pagbasa ng House of Representatives ang HB 694 na magdadagdag sa burial assistance ng mga beterano mula P10,000 sa P20,000 sa pagsisikap ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa ilalim ni Administrator Ernesto Carolina at ng mga opisyal ng Department of National Defense (DND) na nagsidalo sa mga pagdinig.
Malaki anya ang naitulong ng mga taga-PVAO at taga-DND para mabilis na makapasa sa Senado ang HB 694 sa kanilang paliwanag na ang burial assistance ng mga beterano ay huling dinagdagan may 20 taon na ang nakararaan sa ilalim ng Republic Act 7697 (An Act Standardizing and Upgrading the Benefits for Military Veterans and their Dependents).