MANILA, Philippines - Dahil sa reklamo ng pangongotong ay sinibak sa puwesto ang hepe ng Manila Police District (MPD)-Anti-Carnapping and Hijacking Unit at 7 nitong tauhan.
Bukod sa pagsibak sa walong pulis ay ipinaaresto rin ni Manila Police District (MPD) Director, Chief Supt. Rolando Asuncion ang mga suspek na sina P/Sr. Insp. Rommel Geneblazo; at mga tauhan na sina SPO1’s Michael Dingding, Gerry Rivera, Jay-An Pertubos, Jonathan Moreno, PO2s Renato Ochinang at Marvin dela Cruz.
Ang pagsibak sa walong pulis ay batay sa reklamo ng negosyanteng si Kamran Khan Dawood, Pakistani national, 39, ng 2000 Annapolis St. San Juan City.
Sa salaysay ng biktima na noong Setyembre 19, dakong ala-1:00 ng madaling-araw sa harap ng Manila Pavillon sa Ermita, Maynila ay hinuli ng mga suspek si Dawood dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa carnapping.
Ibinebenta umano ng biktima ang apat na sasakyan kabilang ang tatlong Toyota Camry at isang Mazda 523.
Dinala ang biktima kasama ang lima pang kaibigan sa opisina ng ANCAR na umano ay tinakot at hiningan ng mga pulis ng P300,000 hanggang sa magkasundo sa halagang P100,000.
Sa kabila ng pagbibigay ng P100,000 ay pinigil pa rin ng mga pulis ang kulay itim na Toyota Camry na may plakang XPN-274 dahil kinakailangan pa itong beripikahin.
Ikinuwento ng biktima ang sinapit niya sa kamay ng mga pulis sa kanyang kaibigan na pulis-Crame na siyang tumulong sa kanya na makapagreklamo sa MPD-GAS.
Positibo namang kinilala ng biktima ang mga pulis na nangotong sa kanya.
Naniniwala si Asuncion na posibleng matagal nang ginagawa ito ng mga pulis, subalit ngayon lamang may naglakas ng loob na magreklamo.
Sasampahan ng kasong robbery extortion ang mga pulis na sangkot.