MANILA, Philippines - Tinanggal na sa pwesto ng Korte Supreme si Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong na itinuturong konektado sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Sa botong 8-5, guilty sa gross misconduct, dishonesty at impropriety si Ong, habang dalawa naman ang nag-inhibit sa deliberasyon.
Kasabay ng pagkatanggal sa puwesto, aalisan din si Ong ng lahat ng retirement benefit.
Bago pa sumambulat ang multi-bilyong pork barrel scam, kinasuhan na si Napoles sa Sandiganbayan matapos umanong tumanggap ng kickback sa pagbili ng helmet para sa Philippine Marines.
Subalit, inabsuwelto ni Ong na chairman ng anti-graft court’s Fourth Division ng Sandiganbayan noong 2010 si Napoles sa kasong malversation bunsod ng umano’y maanomalyang transaksyon sa pagbili ng 500 Kevlar helmets noong 1998.
Ipinag-utos ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong nakalipas na taon ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban kay Ong matapos ilang beses mabanggit ang pangalan nito sa pagharap ng mga whistleblower na sina Benhur Luy at Merlina Suñas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa pork barrel scam.
Sinabi ni Suñas na binisita ni Ong si Napoles sa opisina nito sa Discovery Suites sa Pasig City.