Dalagita dinukot, pinatay ng sundalo

MANILA, Philippines - Isang 15-anyos na dalagitang estudyante ang dinukot at pinatay kamakailan ng isang sarhento ng Philippine Army sa Tandag City, Surigao del Sur.

Nadiskubre lang ang karumaldumal na krimen nang lumutang ang dalawang testigo at itinuro ang suspek na si Sgt. Jere­my Calantina, 26-anyos, miyembro ng Army’s 36th Infantry Battalion ng Phil Army na nakabase sa Tago, Surigao del Sur.

 Ayon kay Supt. Romaldo Bayting, Spokesman ng CARAGA Police, natuldukan rin ang misteryo sa pagkawala ng biktimang si Annie Jane Cortes Broca, ng Brgy. Telaje, Tandag City.

Nabatid na naagnas at halos kita na ang buto ng labi ng biktimang si Broca na nahukay dakong alas-3:30 ng hapon noong Setyembre 21 sa tabing dagat ng Dumaran Beach, Purok Dona Nicolasa, Brgy. Magbanua ng lungsod.

Ayon sa dalawang testigo na sina Josuel Rivera, dating nobyo ng biktima at Alejean Pagaran, kaklase na si Calantina umano ang sumundo kay Broca ng araw na mawala ito noong Setyembre 14 matapos na magpaalam sa kaniyang ina na magsisimba sa Cathedral Catholic Church sa lungsod.

Positibo namang kinilala ng ina na si Arlene Broca ang naagnas at halos buto ng bangkay ng anak base sa suot nitong damit at iba pang kagamitan  ng araw  na mawala ito noong Setyembre 18.

Nahaharap ngayon sa kasong consented abduction na posibleng madagdagan pa depende sa kala­labasan ng imbestigasyon ang suspek.

Show comments