MANILA, Philippines - Kinasuhan kahapon ng plunder si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima sa Ombudsman.
Kasama rin sa limang pahinang reklamo ng Coalition of Filipino Consumers laban sa hepe ang graft and corruption at indirect bribery.
Iginiit ni Perfecto Jaime Tagalog, secretary general ng grupo, kwestyunable ang pagpapagawa ni Purisima ng P25 milyong “White House” sa Camp Crame, maging ang yaman nito na hindi umano nakasaad sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
Nanawagan na rin ang koalisyon na bumaba na sa pwesto si Purisima para hindi anila makaladkad ang pangalan ng buong pulisya sa eskandalo.
Pinag-aaralan na rin ng grupo ang paglulunsad ng signature campaign upang mapagbitiw si Purisima.
Samantala, sinabi naman ni PNP Public Information Office (PIO) Chief Reuben Theodore Sindac na handa si Purisima na harapin ang mga kaso at sasagutin din anya nito ang lahat ng akusasyon sa korte.
Kasalukuyang nasa labas ng bansa si Purisima para sa anti-kidnapping conference.