MANILA, Philippines - Dahilan sa pag-aakalang unggoy, dedo ang isang binatilyong katutubo nang barilin ng isang mangangaso sa itaas ng punong-kahoy sa bayan ng Narra, Palawan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na duguang bumagsak mula sa punong-kahoy na si Bernard Bacaltos, 16 anyos na mula sa lipi ng mga katutubong Tagbanua sa lalawigan.
Ang suspek na nakilala namang si Normando Bungkas, 42 at residente sa nasabing bayan.
Sa ulat ng Palawan Police, naganap ang insidente bandang alas-4 ng hapon habang nangangaso ang nasabing suspek at naghahanap ng tatargeting ibon, paniki at unggoy.
Nagulat umano ang suspek ng may kumaluskos sa itaas ng puno at dahil inakalang unggoy ang biktima ay mabilis nitong binaril ang huli.
Sumuko naman sa mga opisyal ng barangay ang suspek na nangatuwirang aksidente ang pangyayari dahil akala niya ay unggoy ang kaniyang tinarget sa itaas ng punong-kahoy.