Nakikiramay ang pamunuan ng Philharbor Ferries & Port Services, Inc. (Philharbor), ang operator ng M/V Maharlika 2, sa mga pamilya ng mga pasaherong nasawi sa aksidente sa karagatan na kinasasangkutan ng
sasakyang pandagat na pagmamay-ari nila noong Setyembre 13, 2014.
Tiniyak nito na simula pa lamang sa unang araw ay nagpaabot na sila ng tulong pinansiyal sa mga survivors, at pamilya ng mga nasawi sa
insidente para sa transport needs, medical bills at mortuary expenses ng mga ito.
Nagpasalamat din ang Philharbor sa mabilis na pagdating ng search and rescue operation na naging dahilan upang mas maraming survivors ang mailigtas sa insidente.
Kabilang sa mga unang rumesponde ay ang kanilang Maharlika 4, iba pang mga vessels at fishing boats, PCG, Philippine Navy, Local
Government Units at maging mga taga pribadong sector.
Siniguro rin ng Philharbor na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente at hindi anila ititigil ito hanggang hindi nareresolba ang lahat ng isyu sa pangyayari.
Matatandaang patungo sa Liloan, Leyte, mula sa Lipata, Surigao ang M/V Maharlika 2 dakong alas-11:30 ng umaga nang lumubog ito, lulan ang may 81 pasahero at 32 crew members o kabuuang 113 katao at mga rolling cargoes at may clearance mula sa PCG bago maglayag.