MANILA, Philippines - Natangayan ng malaking halaga ng salapi at alahas ang isang pamilyang Tsinoy ng sila ay mabiktima ng “gapos gang” na pumasok sa kanilang bahay sa Valenzuela City.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Senga Alfredo Lee, sales executive; misis na si Maria Theresa; dalawa nilang anak na may edad 13 at 15-anyos, at dalawang kasambahay.
Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga ay paalis na sa kanilang bahay sa no.144 V. Cordero St., Brgy. Marulas, ang pamilya Lee upang pumasok sa trabaho at paaralan lulan ng kanilang Toyota Fortuner (ZSB-576) nang harangin ng apat na armadong lalaki at inutusan silang bumaba sa sasakyan.
Dinala ng mga suspek ang pamilya Lee at dalawang kasambahay sa master’s bedroom at doon iginapos ang paa’t kamay gamit ng electrical cords.
Pagkatapos ay hinalughog ng mga magnanakaw ang buong kabahayan at tinangay ang mga pera, alahas, bank passbooks, ATM cards, at iba pang importanteng dokumento.
Tumakas ang mga salarin lulan ng hindi mabatid na uri ng behikulo.
Nagawa namang makaalpas sa pagkakagapos ang mga biktima ngunit umabot pa umano ng tatlong oras bago nila naisuplong sa pulisya.