MANILA, Philippines - Sa halip na sumuko ang isang notoryus na drug pusher sa mga pulis na magsisilbi ng warrant of arrest ay nanlaban ito sa pamamagitan ng paghagis ng granada, subalit bago pa man niya ito maipukol ay sumabog na ito na naging dahilan ng kanyang kamatayan na naganap kamakalawa ng gabi sa Cagayan De Oro City.
Ang nasawing suspek ay kinilalang si Jamail Macarampat ng Brgy. Bulua ng lungsod na ito.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pagsabog ng granada dakong alas-7:00 ng gabi ay tinungo ng mga arresting officers na may dalang warrant of arrest laban sa suspek sa nasabing lugar.
Gayunman, hindi pa nakakalapit ang mga pulis ay nanlaban si Macarampat na agad naghagis ng granada na nabigo namang sumabog at pinaputukan pa ng cal. 45 pistol na dala nito ang mga pulis.
Gumanti naman ng putok ang mga operatiba, subalit muling maghahagis sana ng ikalawang granada at bago niya maihagis ang sumabog na ito sa kanyang katawan.
Naputulan ng kaliwang kamay at halos nalasog ang katawan ng suspek bukod pa sa tinamo nitong mga tama ng bala sa katawan.
Nasugatan naman sa pakikipagpalitan ng putok ang mga pulis na sina Chief Inspector Alfredo Ortiz Jr., hepe ng Anti Illegal Drug Task Force; Inspector Ramsey Cartagena at PO3 Anecito Bentuzal ng Public Safety Battalion na nasa mabuti ng kondisyon matapos na isugod sa Polymedic Hospital sa lungsod.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang cal. 45 pistol at isa pang granada na nabigong sumabog.