50K katao sa Albay puwersahang pinalikas

MANILA, Philippines - Puwersahang pinalikas kahapon ang nasa 10,000 pamilya o mahi­git sa 50,000 katao na naninirahan sa palibot ng Mt. Mayon na saklaw ng 5-8 kilometers extended danger zones kaugnay ng nagbabadyang pagsabog ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.

Iniutos  ni Albay Governor Joey Salceda bilang Chairman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa lalawigan ang “forced evacuation” sa mga residenteng naninirahan sa 60 apektadong barangay sa tatlong lungsod at apat na bayan dito.

Ipinoste ni Salceda sa kanyang facebook account ang “forced evacuation” sa mga lungsod ng Legazpi, Tabaco at Ligao, gayundin sa mga bayan ng Malilipot, Sto. Domingo, Camalig at Daraga.

Sa ulat na ipinara­ting ni PHILVOCS Director Renato Solidum sa PDRRMC, ang alert le­vel 3 sa Mayon Volcano ay nangangahulugan ng kritikal na status dahilan sa patuloy at lumalakas nitong abnormalidad at may posibilidad na magkaroon ng ‘hazardous eruption’ sa mga susunod na linggo.

Nabatid na nakapagtala ang PHILVOCS ng 32 volcanic quakes at 72 rockfall events nitong mga nakalipas na oras. Ang pagbagsak ng mga bato ay tanda ng pamumuo ng lava dome habang ang mga lindol naman ay hudyat ng pag-angat ng magma at volcanic gas activity.

Kapansin-pansin na ring banaag sa bunganga ng bulkan o crater glow na nangangahulugan na may magma na sa crater ng bulkan.

Nasa 50 military trucks ang minobilisa para sa paglilikas ng nasa mahigit 50,000 pamilya.

Posible umano na magkaroon ng mas mara­ming pagdaloy ng lava na kadalasan ay sinusundan ng isang pagsabog o kaya naman oras na bumigay na ang lava dome ay maari ring magkaroon na pyroclastic flow na delikado sa mga residente sa timog silangang bahagi ng Albay.

Show comments