MANILA, Philippines - Makakalabas na sa kanilang kulungan sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at Simeon Raz matapos na katigan ng Taguig City Regional Trial Court Branch 172 ang hirit nilang makapagpiyansa hinggil sa kasong serious illegal detention na isinampa sa kanila ng TV host at actor na si Vhong Navarro.
Kinumpirma ng abogado ni Cornejo na si Atty. Sal Panelo ang naging desisyon ng korte, na pinaalam din aniya ito sa kanila ng abogado nina Lee at Raz na si Atty. Connie Aquino.
Ang piyansa ng bawat isa ay umaabot sa P500,000.00.
Inamin naman ng abogado ni Navarro na si Atty. Alma Malonga na masama ang kanilang loob sa desisyon ng korte at wala pa rin silang natatanggap na kopya ng resolusyon.
Nakatakda naman silang maghain ng motion for reconsideration sakaling makumpirma ang desisyon ng korte at matanggap na nila ang resolution nito.
Ang grupo nina Lee at Cornejo ay kinasuhan ng serious illegal detention matapos nilang pagtulungang gulpihin si Navarro noong Enero 23, 2014.